8/31/2024

Baler Moments - Initial Draft

Ikatlong biyahe ko na ito sa probinsya ng Aurora: 
1. Taong 2010 nang maliit pa ang Bay's Inn at literal syang bungalow na may maraming kwarto at lugawan sa gitna. 
2. Taong 2019 nang unang umiyak sa takot na masaktan ng jowa-jowaan; at
3. Ngayong taon, dala ng inggit. 

Hindi ko mai-deny sa sarili na biglang naglilipana ang mala-Bathalang kasalanan ng inggit at tila linta kung kumapit. Naiinggit ako sa mga walang dala-dalang utang; sa may kakayanang mag-abroad nang walang inaalalang kaperahan; lalung-lalo na sa mga nakakapagsulat kahit sila ay nakatago sa sulok ng kanilang day jobs, o sa pagiging estudyante, o sa pagiging anak lang. Ganun. Andami kong planong isulat, gawing dumpster ang facebook. Pero kung ang profile ko ay magiging sanaysay ng mga reklamo, hindi maganda ang magiging ambag ko sa mundo (mapa-online o offline), at magiging footprint ko bilang user nito. 

Pero kalma lang kasi, Ella. Nai-address mo na yung isang linta ng inggit. Nakaligo ka sa dagat, naasinan ang sarili. May manaka-naka pang kaunti pero hindi pa naman niya nasisipsip ang kabuuan mo.
Eka nga ng manager ko kamakailan, "Ella, the world is your oyster." Ang nasa isip ko paglabas ng napakahabang mentoring (at therapy) session ay "Kailangan kong kainin yang oyster bago ako lamunin ng mundo". Kaya lang, walang oyster sa Baler. Calamares lang. 

Baler looks like a nice laid-back retirement place of passive income, surfing, and writing reflections. Siguro ito yung "if hindi kaya ng budget ang Iloilo" plan D ganern. 

Plan A: Delulu route to Europa
Plan B: Singapura wife at 66
Plan C: Chill Iloilo Auntie from Pasig

Pero bago ang mga delulu is the onli solulu lore, narito na at kahit paano'y naasinan na rin ang isang linta. Tignan mo, nakagawa ng maikling sanaysay. Iwo-workshop na lang pag-uwi sa bahay. Lamnan ng mga detalye ng biyahe bilang chance passenger, ang biglang pagkonti ng mga pasahero pa-Baler, ang ingay ng radio static ng bus na parang nagsesend ng morse code sa mga alien na nakaparada sa mangilan-ngilan na bituin, bago sila takpan ng ulop at bumuhos ang ulan, habang binabaybay nyo ang kahabaan ng Central Luzon expressway na tila minadali ng San Miguel Corporation kaya may kaunting bako kung saan. 

then Mama commented on facebook. this should have another session of writing workshop on a weekend.





8/17/2024

Pabiling kalansay ssob

Mga Kalansay sa Hardin ng PanginoonMga Kalansay sa Hardin ng Panginoon by Ronaldo S. Vivo Jr.
My rating: 4 of 5 stars

Putting this as 4-stars because of the jumbled pages of my copy, it took a little bit of time just to get 2 short stories done. But I am happy that I was able to see the collection and its tidbits rehashed to put additional layers on his Dreamland trilogy. This fills in some of NPCs outside the main world of his three novels.

I forgot to ask him if Erik Matti is aware of the character Kuwestiyon because a specific film character reprised in the film Buy Bust.

PS: Most hated story: Backpay Blues (Vivo is not yet adept to flesh out a female main character)
Most recycled materials: Ang Embalsamador Ni Hesukristo at Dianson Park
Most endearing story: Tuwing Naglalaho ang Ating mga Anino

View all my reviews

7/19/2024

Asano-kun's Playing with the Light

Light Trap, YuugatouLight Trap, Yuugatou by Inio Asano
My rating: 4 of 5 stars

Man, what a dream.

I was looking at the panels of light paintings and very hazy and confusing shots, but when it is nearing the end, the lines became too symmetrical and straight. It just clicked on me that any small talk, or any fever dream you have through the night will make zero sense when your eyes are being blinded by the white light.

View all my reviews

7/17/2024

SocMed Mulling

Andami kong nababasa sa IG feed about being burnt out sa buhay corporate at ng payong gumawa ng wala  (Alamat ng Gubat, 2003) pero heto na naman ako sa doom scrolling about JIRA tickets, millenial rants, and capybara memes and plushies. 

Kaadikan na ba talaga ang nararanasan ko? Nakatutok ako sa phone kakatingin ng travel itineraries at nalulugmok sa inggit, pero yung gusto kong retirement career sa pagsusulat eh nahihirapan akong bunuin. Parang namamatay ang kagustuhang lumikha sa bawat salimuot na nakikita ko sa social media. Pagkatapos, muling nanghihingalo ang kagustuhang sumulat dahil sa kalakaran ng malaking book fair sa kamaynilaan na ang gusto lang ay kumita, walang bisyon na palawakin ang demokrasya at access sa mga aklat. 

Gusto ko ring lumaban, sa paraang kaya ko. Pero bakit yung kagustuhan at unti-unting napapatay ng mga ingay sa loob at labas ng algorithm? Anong reset ang kailangan ko? 

Do I need to touch grass as a sigma girl-boss, before my consciousness gets yeeted into the Ohio dawn? (Elle Cordova, 2024)

6/19/2024

David Nicholls, very apt

Sweet SorrowSweet Sorrow by David Nicholls
My rating: 3 of 5 stars

(Liked the commentaries about art and how sometimes it becomes unreachable to the general public, or making it too posh, and how it influenced the lives of people making it, or consuming it.

Some parts are slow to read, like the long sumertimes of UK. Some are really boring and slow and even problematic, especially tackling about broken families and the lack of drive and its effect, the lack of sufficient funds to live, taking a toll on one's mental health.)



View all my reviews

5/23/2024

Rank G sa Bangin

Ang Bangin sa Ilalim ng Ating mga PaaAng Bangin sa Ilalim ng Ating mga Paa by Ronaldo S. Vivo Jr.
My rating: 5 of 5 stars

"Anong rank mo?"
"Mythic na. Hindi nga lang makalampas sa 25 stars. Laging akyat-baba sa RG."
"Aahhh."


Tatanong-tanong tapos hindi ako isasali sa rank gaming. Qiqil.

Hanabi main ako sa ML. Marksman ang pabebe role ko kapag nase-stress ako sa trabaho at gusto kong mantrashtalk. Ginagawa kong outlet ng galit ang ML. May mga araw na kahit antok na antok na ako ay iga-grind ko pa rin ito, kahit ang mga battle points naman dito ay hindi kayang maipalit as crypto. Also, bawal rin ang sugal sa mga katulad naming banker. Baka masisante ako sa trabaho.

Mula noong pandemic lockdown, nakahiligan ko na ang abugbog berna at ganking ng ML to the point na lahat ng galit ko — mula sa trabaho, sa binabasa kong libro, sa sitwasyon ng mundo — iminumura ko sa mga bonak kong kalaro. Madalas, wala akong kasamang tank na makikisayaw sa rambol, o magti-TP man lang para mang-istir, o iikot at dadalaw sa lane ko habang nang-iipon ako ng pambili ng item para mas lalong lumakas. Lalo akong nagaglit kapag sunud-sunod ang lose streak. Kapag limang sunud-sunod, nakakagago. Mas masarap magmura. Mas masarap sabunutan ang kalarong hindi mo makikita kahit surang-sura ka na. Hanggang sa ang galit na iyon ang magpapaapoy para ituloy ang laro, at hindi ko namamalayang ninanakawan na ako ng oras ng pagtulog.

Ganitong level ng galit ang naramdaman ko habang binabasa ko ang nobela ni Bhosz Vivo mamen. Nakakagagong isinasampal sa akin na mula noong mamulat ako sa Mabangis na Lungsod ni manong Efren Abueg ay hindi pa rin nagbabago ang bulok na ugali ng mga pulis. Kung sinong dapat ang tutulong sa iyo... naku, kapag napagtrip-an ka, silang mismo ang papaslang sa iyo. Ang daming poot habang binabasa ko ang bawat galaw nito nina Rey at Benjo. Ride or die talaga ang overdrive adventure nila. Feeling ko hindi Hanabibi ang peg nito ni Rey, mas fighter siya katulad ni Aulus. Tangan-tangan ang pambihirang martilyo, nilibot niya ang mala-jungle na kamaynilaan, matunton laman ang tunay na lokasyon ng nawawalang anak na si Alison. Tapos, tank partner niya si Benjo, Belerick lang na may vengeance na battle spell. Para kapag sinaktan ang beshie, mas malakas ang kanyang ulti. Buma-bounce-back sa kalaban ang tinitira, at siguradong KS na ni Aulus. Este, ni Rey pala.

Mas damang-dama ko ang sensibilidad ng akda, kasi napuntahan ko na ang ibang mga nabanggit na lugar sa nobela: ang Brgy. Sta. Rosario na isang ilog lang ang pagitan sa Comembo, ang Overlooking view sa Antipolo, ang Mandaluyong Maysilo kung saan naroon ang mga nag-e-ML na pulis, ang Simbahan ng Pateros, at ang mapulang ilaw at mapanghing chongki-an ng Poblacion. Speaking of chongki, naisip ko na ring minsan na umupo sa gedli at sumindi ng doobie, tas kahit ang sangsang ng boga mo eh parang nagkakaroon ka ng powers tapos mapapakanta na lang ng mahiwaga, mahiwa-marijuana shotgun shotgun ganja ganja buddha buddha. Parang siguro ang sarap din maging hipster pusher na hakdog na ganda lang ang puhunan sa gimikan, tapos may sanlibo ka nang maisusuksok sa bra.

Pero feeling ko, hindi layunin ng mga akdang tulad ni Bhosz Vivo mamen ang mainggit ka sa pagiging out-of-touch na mga nilalang na katulad ni Katrina. Mas gusto niyang hamigin ang iyong konsensya sa pagpapakilala niya sa mga katulad ni Manang Belen na walang alam kundi pumalahaw ng luha at magsumbong sa kalangitan para sa hustisya ng pinaslang niyang anak, at ginawang sisidlan ng bato. Putangamang eksena yun, hindi ko na mawala sa puso ang guilt-trip malala. Rekta sa konsensya. Sa tuwing nababasa ko ang mga ganung eksena, naalala ko yung pabalang kong sagot kay Manong FSJ kung bakit ko binoto si Duterte. Sumalangit nawa ang perennial wisher ng Nobel Lauriat kineso, pero mas nahihindik ako nang marinig muli ang distant echo ng aking edgy hipster voice:

"Binoto ko sya kasi gusto kong makita ang Pinas ay nasusunog. Para Lalo tayong magalit, at sana, dito tayo magsimulang kumilos. Dala ang galit, mas kilala na natin ang malaking kalaban."


Huli ko nang ma-realize na hindi lang isang buktot na Doturtle ang big boss. Dadaan pala tayo sa isang masalimuot na makinarya ng facebook playbook at troll farms at mind-conditioning ng kapwa pinoy, at makakasalubong natin sa social media ang mga kalamnan at diwa ni Monching na DDS forever hanggang mategi.

Inangyan, andaming bonak sa lipunan. Hindi lang sila sa ML makikita talaga. At ayoko sanang maging ganun ka. Sana, kapag makaipon-ipon ka ng kaunting pera, bilhin mo itong nobela. Umupo ka sa gedli, pagnilayan ang ika-15 kabanata:

"Kinokoronahan ang demonyo sa panahong ito at alam nilang nasa panig nila ang marami. Kapangyarihan, impluwensya, simpatya. Lunod na lunod sa saya, lasing na lasing sa ligaya. Dugo't luha ang langis ng giyerang minamakina."


Tangan ang galit, magsimulang magbitbit ng martilyo. Bilang kolektibo, mag-rank-up tayo.

View all my reviews

5/20/2024

Dahling Nick and Plays

Tropical Baroque: Four Manileño TheatricalsTropical Baroque: Four Manileño Theatricals by Nick Joaquín
My rating: 5 of 5 stars

I bought this book because I cannot locate my old book that contained the Short story titled Summer Solstice. In preparation for the PRPB Book Talakayan with Nick Joaquin, this collection of plays titled Tropical Baroque has the play named "Tatarin", and I was tasked to read an excerpt of Lupe and Guido's moments.

What struck me in these four plays are the portayal of women and how they were genuine and empowered in their time, and how significant the transformation of the realities around them. Set in old Manila, “A Portrait of the Artist as Filipino” revolves around two spinster sisters, Paula and Candida Marasigan, as they struggle but remain determined to fight for all the things precious to their family. In “Tatarin,” Doña Lupe's participation in the ritual gives her the opportunity to dominate her man, Don Paeng. In “Fathers and Sons,” Bessie fights back against the shadows cast by her past as an abandoned child sold and bought into the life of a prostitute. And finally, “The Beatas” illustrates the leadership of modern views and actions of Antonia Ezguerra and Sebastiana de Santa Maria, and how the hermanas fought the challenge of shutting down the first beaterio in Manila.

Plot-wise, I liked the Fathers and Sons the most. One quote has struck me in awe:
"Character is not something we inherit, it is something we create."
This play uncovers a traumatic history and how it has shaped the characters and how they were unconsciously caught in the loop that seemingly cannot get out of. When Bessie came into the frame, she became the sign of change and a sign of freedom; a figure that sometimes misinterpreted as a wrong item, but truly the right thing all along.

Of couse the most sensual play was Tatarin, because of the idea of its rituals and the opportunity to dominate men, nevermind that last scene when Paeng kneels and crawls across the yard!!! Haha, made me want to want the movie adaptation again.

Other two plays are runner-ups for me for it has a clear landscape of its setting from the old days. Maybe I was too contemporary to appreciate its storylines but these do not discount the overall collective tone of feminism in this collection.

Dahling Nick, thank you again for letting my spirits soar with all these plays. You do weave the stories and its narratives so clearly and so beautifully.

View all my reviews

5/19/2024

Hindi Exotic na Kwento


Tabaco: Tatlong Sanaysay

by Niles Breis 

Reading Retreat, Wala sa Goodreads

"Yung boses mo sa panulat, ikaw na ikaw. Buo ang boses mo. Ang tanong ngayon, ano ang iyong magiging kwento?" 

Dalawang beses ko pa lamang nakita si sir Niles at ito ay dahil lamang sa pagbabalik-loob ko sa Pinoy Reads Pinoy Books book club ngayong taon. Ang mga ganitong minsanan ay nagagawi sa inuman at kultura, kasama ng mga kinagisnan at karanasan sa pagiging mambabasa at manunulat. Nang first time kong narinig ang pangalan niya sa mga kapwa miyembro, hindi ko pa nakikita yung kanyang mga akda. Binigyan ako ng sample / excerpt ng Rubrica, isang collection ng mga tula na hindi ko maintindihan, siguro dahil hindi ako batikan sa paglikha nito. 

Sa ikalawang salubong ko sa kanyang gawa, nakita ko itong Tabaco na tangan-tangan ni Jayson na naglalaman ng mga sanaysay, at sa hindi ko mawaring dahilan, medyo nainggit ako dahil sa kakaibang mga paksang naglalaman nito. Ganito rin ang inggit na nararamdaman ko sa tuwing nakakabasa ako ng mga kalipunan ng sanaysay sa mga nagdaang Palanca awardees. Natatanong ko rin kung may karapatan pa ba akong magkwento? Kasi unang-una, hindi naman exotic ang mga naranasan ko. Walang urban legend sa barangay ko, walang matandang buruka o kumander nognog, hindi rin naman ako pumasok sa isang seminaryo, at sobrang sheltered ako sa aking public elementary and high school. 

Exotic bang maituturing ang isang baklang baliw sa Talipapa ng Pembo na pinangalanan kong Alejandro (sa aking isip) dahil minsang sinigawan akong, "Ako ang dakilang Lady Gaga!"? Hindi ko nga mailaban yun sa kwentong Tawi-tawi ni Atom Araullo eh, lalo na sa mga kwentong Some People Need Killing ni Pat Evangelista. Anu't-anuman, parang nagiging tila ordinaryo na ang araw-araw kong danas. At kahit hindi naman talaga maipupulis ang sariling danas, ay nahihirapan akong itagpi at itahi ito bilang isang kwentong magkakaroon ng panawagan sa pagbabago. 

Pero kailangan bang laging may panawagan sa isang sanaysay? Hindi ba pwedeng isang pagbabalik-tanaw ito sa isang nakaraan at magtala ng kasaysayan? Ganito kasi ang vibes ni sir Niles sa kanyang mga sanaysay. Hindi naman talaga kailangan parating may panawagan. Ang mahalaga, naihulma ng iyong tinig ang hugis, at amoy, at ang pakiramdam ng mundong kinagalawan mo noon. Isang pagtatala ng nakaraan na hindi mawawala sa iyo, lalo na't alam nating mapaglaro rin ang ating mga alaala. 

Nagulat ako sa librong naging tangan-tangan ko na biglang naluma kakabulatlat at kakahanap ng mga danas na exotic o kakaiba, pero kung tutuusin, hindi masyado kaiba ang kanyang mga kwento. Nagkataon lang ang lahat ng danas nya ay tungkol sa bayan ng Tabaco, pero hindi lang sya ang kilala kong pumasok ng seminaryo (at lumabas), o nakakilala ng mataray na matandang laging nag-iisa. Ang nakakaaliw at nakakaganda ng mga kwento ay kung paano niya ito isulat, at ano ang naging konteksto noong unang panahon. Naging tangible para sa akin yung rehistro nya ng bicolano at tagalog bilang promdi, kakarampot na pag-iingles (na maaaring naisulat bago sumikat ang blogging at facebook), at ang machong boses (na minsan kinaiiritahan ko as a #teata, char). 

Siguro ito yung gusto nya makita rin sa magiging akda ko, kung paano ilalapat ang isang kwentong nakaka-relate ang kahit sino, pero may boses at rehistrong akong-ako, at walang makakagaya nito. Siguro, next time na yung panawagan sa pagpapataas ng antas ng panitikan, kasi hindi naman ako batikang kwentista. Nagsisimula pa nga lang ako, bibigyan agad ng pressure? Eh di malamang, tatalikuran ko iyan at babalik sa pagbabasa. 

Pero hindi, gusto ko ring maging kwentista tulad nila.






5/12/2024

Chaotic Family Home

 M—, 

Pagbigyan mo muna ako magreklamo. 
Wag mo munang husgahan ang kahit na ano. 
Sa totoo lang, gusto ko lang magkalat ng mga saloobin ko kasi ilang araw na akong hindi nakakapagsulat ng mga akdang ipapasa. Lalo na't kinumusta ako ni mama kanina:

"Kumusta ka?"
"Ito, okay lang. Naiirita sa init at ingay."
"Eh ang pagsusulat mo, kumusta?"
"Wala pa rin, ang hirap magworkshop ng mga unang nilikha eh."

Andami ko nang written prompt sa totoo lang. Dagli man o maikling kwento. O mga gawa-gawang guni-guni mula sa espiritu ng illuminati. Pero yung isang nasimulan ko, nilagyan ko lang ng ending... yung gitna, bali. Naka-parenthesis pa rin. Kasi kahit anong ingay ang mga nasa isip, hindi ko naman mailapat at maitawid, hindi rin maidugtong sa simula patungo sa huli. 

Kanina, pumunta ako sa family home. Ang init, ang ingay. Paano, sinosolo raw ni papa ang aircon. At ang buga — lumalabas sa loob ng bahay. Umaabot hanggang sala. Siguro si papa ang epitome ng kawalang-pakialam. Basta sya matiwasay, kahit lumpo na ang iba pang mga tao na nasa bahay, g pa rin. Tapos nang bumaba para kumain, tiningnan yung magic sing ni mama. Kaysa purihin ang mismong asawa, sumigaw pa ng, "Hindi ba napapalitan ng background yang kinakanta mo? Paulit-ulit yung view na nakikita ko!" Yung sa irita ko hindi ko na ring mapigilang sumagot, "Minsan ka na nga lang magsalita, kahunghangan pa... po." 

Ngayon ko lang mas naa-appreciate ang maliit kong kweba at mga pagsasanay sa pag-iisa. Dati, napipilitan pa akong gumastos para lumayas. Solo-backpacking, kuno. Pero ang totoo, gustung-gustong magpakalayo. Mula sa masalimuot na mini-Pinas ng ingay at away at init at irita at gulo sa loob ng bahay. Ngayong nakabalik na akong muli sa maliit kong kweba at rinig ko ang white noise ng gaming laptop habang ramdam ang ginhawa ng pinamanang aircon ni kuya, mas nagiging proud ako sa sarili ko. Kahit medyo baldado ang sweldo sa pagbayad ng condo, hindi na ito basta pagtakas, kungdi isang pagpili: isang buhay ng payapa at pag-iisa nang may minsang lungkot at gunita ng mapapait na alaala. 

May Tula Tapos May Iyak

Kung Maaaring LumutangKung Maaaring Lumutang by Christian Jozel Ason
My rating: 4 of 5 stars

Written last 12 May 2024, main reason why this book got on-boarded on Goodreads website
TW: Too Much Crying.

"Bakit walang ISBN? Sayang Goodreads reading challenge score!" Ang nasa isip ko nang makita ang aklat na ito ni Ason. Nakikilala ang aklat at ang akda sa mga barcode at numero. Nakikilala ang sukat at ang metro, ang kapal at nipis nito, at mas mabilis matukoy ang pagkakahulma nito.

Operative word: Kilala

Kaya siguro, sinadya muna ni Ason na ilimbag ito agad. Baka kasi, gusto nya maranasan ang hirap at saya ng paglikha, at pagiging pisikal ng mga katha. Masasabing reading retreat ko ito dahil walang sukatan ang mga sulat. Walang stars na igagawad. Walang judgment kung saan nahuhugot ang mga salita.

Hindi ako magaling tumingin ng tula, o magsabi kung maganda ba ito o hindi. Pero kaya kong sipatin sa pamamagitan ng pansariling danas. At hindi ko inaasahan na ang pagbabasa ng mga tula ay tulad rin ng karanasan ng paglalakbay patungo sa mga alaalang pilit iniiwan ngunit bumabalik, at mga sansaglit ng pagbabalik pero parating nawawaglit.

Halos dalawang taon na nang magsimula akong tuluyang bumukod at matutong mamuhay ng pag-iisa, at hindi ko maikakailang may mga nakikilala akong life-skill, o mga maiingay na pagninilay. Madalas kausap ang sarili sa maliit kong bahay, kaya minsan, may mga binabasa akong pilit kong inuusal, binubuka ang bibig. Pero sa ibang mga tula ni Ason, hindi bibig ang kumikilos, kundi mata. At madalas, lumuluha nang hindi sadya.

Kalbaryo ba talaga ang minsanang pagbabasa ng tula? Kaya ba hindi ako nagbabasa madalas ng tula dahil ba sa mga di inaasahang naaalala? Retreat bang matuturing ang pagbabasa tapos luluha?

Ni minsan, hindi ako umoo sa anumang anyaya ng dilim at ang gawad ng pagkalutang nito. Siguro nakakatulong ang dami ng ilaw sa paligid at sa katotohanang kahit paano, may tapang ako sa bawat haharapin. Pero minsan talaga, may mga alon na sobrang bigat, at wala kang magawa kundi tumunganga. At sa kaso ko, madalas, iniiyak. Kasi sa pag-iisa ko lamang natutuklasang yakapin ang mga damdaming hindi madalas nakikita ng madla.

Nahuli ni Ason lalung-lalo na sa ibang mga katha ang therapy na pilit kong idine-deny sa sarili. Baka ito nga ang retreat na sinasabi: magnilay at umiyak, damhin ang bawat saglit, bago muling suotin ang pragmatikong pagtingin ng bawat rason ng pagbangon.

View all my reviews