1/17/2024

First Pinoy BL Experience

Ang Lihim sa Tore ng SinagtalaAng Lihim sa Tore ng Sinagtala by Steno Padilla
My rating: 5 of 5 stars

Munting Paunawa: Hindi ako matatas magsulat ng mga book review sa wikang Filipino. Patawarin nawa ako ng mga mambabasa. Madalas ang aking sinusulat ay nasa wikang ingles, o Taglish. At kung mamarapatin, maaari akong mag-code switch sa bandang gitna o dulo.

Una kong nakilala si Steno sa isang facebook live ng UP Likhaan kasama si Kwesi at si Patrice. Sila ay naglahad ng kanilang mga binabasa noong lockdown. Nanood ako ng online presentation kasi ako ay nagkaroon ng reader's block. Hirap akong magbasa ng mga nobela at koleksyon ng maiikling kwento dahil sa sobrang takot at pangambang dala ng Covid-19. Hindi nakakatulong ang kawalang-piyansa kung magkakaroon ba ng bakuna, at ang naging kalakaran na kakaunti lang ang nailaang araw ng pahinga kapag ikaw ang tinamaan ng pneumonia. Nakatulong sila na ipamulat sa akin na munting pahinga sa pagiging aligaga ang pagbabasa ng mga magagaan na nobelang pambata. At saka nabanggit ni Steno na ito ang ginawa nyang istilo sa libro niyang Lihim sa Tore ng Sinagtala.

Kung sa BL rin lang naman, matagal na akong mulat (bilang ang kuya ko ay bading elementary pa lamang) sa LGBT at sinisikap maging updated sa mga usaping SOGIE. Tinuturing kong ako'y isang ally kahit hindi nila alam, haha! Ang una kong exposure sa BL bilang isang art form ay sa Japanese anime na Dokyuusei (Classmate) sa youtube noong 2016, at hindi ito katulad ng mga mahahalay na yaoi o yuuri o iba pang Rule 34 ng online manga. Ang anime ang unang nagpakita sa akin ng BL genre na tigib ng pagdanas ng samu't-saring nararamdaman, pagkilala at pagkilatis sa sarili, at pagpapakita ng dalisay na pag-ibig. Ganito rin ang Sinagtala, kaya deserve niya ang Lampara Prize. Naniwala si Steno na sa pamamagitan ng kanyang maiigsing mga chapter at mabilis na engagement ng mga karakter, mananatili sa pokus ng kwento ang mga kabataang mambabasa, at mauunawaan ang bawat sandali; makikisimpatya sa bawat tanong, at madadala sa bawat emosyon. Mataas ang naging benchmark na iginawad ni Steno sa akin bilang supporter ng Pinoy Lit — hindi na ako basta kikiligin sa mga likhang may iba't-ibang font color at wrong grammar na nasa Wattpad. Hindi na rin ako basta mai-impress sa bastang fan-servicing ng mga karakter, o madali ko na ring mahahalata ang mga plot device ng kwento.

Nakakatawa na nakakatuwa bilang isang ally ang kanyang mga fan-servicing mechanisms para sa kanyang target market. Maaaring awkward ito sa hetero/cisgendered male readers kasi, malamang sa alamang, ito ang una nilang mapupuna bilang kahinaan ng aklat. Ilang halimbawa ang Battle of Rebels: Tactical Angels — BORTA for short at JhusKho, ang pinagsamang pangalan ng mga tauhan ng nobelang ito.

Iikot ang kwento hindi sa mundo ng laro, kundi sa mundo buhay nina Jhustin at Makho. Inilahad ni Steno ang simpleng ganda ng school life at gawain ng mga kabataan, ang kanilang mga samahan, mga pakikipag-usap sa kapamilya, at ang kanilang tambayang Tore sa Sinagtala, isang main setting at malaking pag-imbita sa akin (bilang mambabasa) na tuklasin ang kanilang mga saloobin, mga tagong lihim at damdamin.

Nakakatuwa rin ang tiwalang binigay ni Steno sa kanyang target market (ages 13-18? Itatanong ko ito kay Steno sa aming book discussion), na kayang dalhin ang bigat ng mga dulong kabanata, at mga plot twist na kaiba sa mga BL manga na na-encounter ko. Sa mundo ng social media, malaking saklaw at problema ng kabataan ngayon ang kahinaan ng focus at kababawan ng diwa dahil sa mga dagli at putul-putol na status updates, memes at misinformation ng ground zero (aka facebook). Naniniwala siguro siya (gaya ko), na kayang mamulat ng mga kabataan sa mga isyung napapanahon, at maging maalam sa kabuktutang ginagawa ng mga nakatatanda, at handa silang gawin ang lahat para ito ay maitama.

Muli't-muli, dasurb talaga nito 'yung Lampara Prize, at nakakatuwa na may mga ganitong akdang Pinoy na handang ibigay ang gaan, ang bigat, at ang kakanyahan at kadalisayan ng buhay.

View all my reviews

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento