Dear M–,
Passing thought talaga ang sulatan ka sa mga pagkakataong gusto kong ibaybay ang mga naiisip sa daan, o sa mga pagkakataong nakakapagnilay ako sa paglalakbay. Ganitong-ganito rin ang aking ginagawa sa ating shared notebook, na pumayag ka rin naman kasi: 1. Alam mong crush kita at masaya nga naman ang undivided attention, at 2. Nahihiya kang talikuran ang potential na bunga ng pagkakaibigan sa panulat. Scratch that, alam kong hindi mo lang alam paano ako tatanggihan kasi bibihirang pagkakataon na ang bigyan ka ng liham, lalo na ngayong tadtad na tayo ng memes sa social media.
Btw, belated happy birthday ulit. At oo, nawawala pa rin ang ating artifact na mga notebook.
Nabanggit ko na nga pala sa iyo na hindi na sa Makating naging Taguig (na naniniwalang magiging Makati muli) ang aking permanent address. Nakaraang 2022, dito na ako bumalik sa Pasig. Andito ako sa Bagong Ilog, yung barangay na katabi ang Pineda. Katabi ko ang ospital kaya may kapag magkaroon man ng hika sa kaka-fire exit stairs (dahil sa lindol o sunog) eh may mabilis na Emergency Care access. Unless, may dalawang libo katao ang makiki-access.
Anyways, masasabi nilang maswerte itong concrete jungle ko. Mahal, pero isang grab lang papunta sa trabaho ko sa BGC. Isang session ng lakad papuntang Pineda wet market. Isang jeep papuntang SM Megamall. Ang mahirap lang nito, kapag pang-umaga ang work, nakamamatay ang commute. Ito talaga ang labyrinth ng bagtasan. Lahat ng manggagaling sa Tiendesitas o Antipolo papuntang BGC, sa Bagong Ilog dadaan. Kapag galing ka naman ng Pinagbuhatan at pupuntang Ortigas, sa Bagong Ilog na rin dadaan. Kapag namulat ako ng 7 AM sa tingkad ng sunrise showcase sa balcony ng maliit kong bahay, makikita ko ang C5 bridge na nagmistulang ilog ng mga mababagal na sasakyan at walang tumal na ingay ng busina. Yan na rin ang Vitamin D dosage ko sa araw-araw: ang pagtanaw sa daanan at trapik, kasabay ng pagdidilig at pakikipagdaldalan ko sa basil, thymes at mga Snake plant na biyaya ni Mama.
Tapos babalik-tulog ulit. Aba, ano pa bang magagawa kung tuwing 4PM naman ang simula ng work? Sayang skincare para lang magpuyat. I always need a nap.
Alam mo bang naging childhood address ko ang Pineda? Wala na akong maalalang mga ginawa ko noong kabataan ko, pero ang kwento ni Mama about Pineda ay yung nagkasya ako sa ilalim ng traysikel noong 3 years old. Nang ako raw ay naglalaro sa labas, at sumusunod kay Kuya na may mga kalaro nang hapon na yun, biglang may dumaan na traysikel, at imbis na ako'y mabangga, eh yumuko ako at nagkasya sa ilalim. Na ikinagulat ng traysikel drayber. Akala siguro's nakapatay ng bata. Pero paglampas nya, ngumiti pa ako sa kanya. Aba, ang amazing ay. Hindi ko naman maalala yun. Kahit yung mga kwentong palo sa pwet at sinturon blues ni Mama. Naalala raw yun ni kuya, pero hindi malinaw ang memorya niya. Hindi na rin nya maalala ang Pineda Nursery School kung saan siya nag-Kinder. Ang naaalala nya ay ang pagtawid namin sa Ilog Pasig mula Pineda papuntang Zero Block kung saan sasakay ng Jeep papuntang Pembo, patungo sa aming magiging family home noong dekada 90.
Nahihiya akong magtanong-tanong kung meron pa bang bangka mula sa Pasig papuntang West Rembo (kung nasaan ang Zero Block). Nang minsang dumaan ang sinasakyan kong grab sa mahabang Mrr Street at Sta. Teresa de Avila Street, wala na akong makitang terminal ng bangka, o mga lumalangoy na bata sa ilog. Wala na ring namamangka. Dahil ba alas-tres ng hapon ako napadaan run? Katirikan ng araw, perfect time ng siesta, at wala masyadong commuter na midshift sa loob ng barangay Pineda. Baka kada umaga lang ang biyahe? Ito yung mga naiisip ko habang inaatake ng nostalgia sa nakaraang bungi-bungi na sa personal kong alaala. Siguro, napatay na nang tuluyan ang industriya dahil may Kalayaan bridge na patawid ng Uptown. Substitute tulay ng mga taong yamot na sa malawak na C5 bridge.
In fairness naman sa C5, ibang administrasyon kasi ang gumawa nito, panahong may pake pa sa mga naglalakad at walang pambili ng kotseng ipapang-trapik rin lang. Sa Kalayaan bridge, nakakairita ang kitid ng daan ng mga tao. Bawat hike dun ay may kalakip dapat na dasal na sana hindi madulas ang mga sasakyan at biglang lumiko sa nilalakaran mo. Ganyan ang urban planning ng isang engineer na walang pake. Siguro tingin sa tao (ng mga gumawa ng Kalayaan bridge) ay mga squammy ng Pasig at hindi deserve na magkaroon ng trabaho sa "relatively safest business district of the country".
Isa na ako sa mga naglalakad papuntang opisina, lalo na kapag sobrang namamahalan sa grab. Wala pang 30 mins na upo sa tsikot na may aircon pero lalagas na ng halos 200. OA na nga ang pamasahe, kaya nagkukunyari din akong tindera o construction worker na tatawid sa Pasig Boulevard mula sa condo, at ilalakad ang C5 bridge. Minsan, partnered ng Gym playlist sa spotify, pero madalas, mga pipip ng sasakyan. Nakakatuwa ring may nakakasabay ako sa paglalakad, at nari-realize kong hangga't may construction worker ay may thriving na underground economy. Makakamura ng pares at mami sa mismong c5 bridge, at tuwing alas-kwatro eh nagbubukasan na ang parang pitstop ng mga truck driver at ng mga rider. Nakakawili ang kulay ng mga suot ng mga nagmo-motor: Madalas blue at green, pero may orange at may dilaw ring minsanan. May red na rin, tapos kamakailan eh may biglang violet na. Hindi naman sikat yung kulay ube sa Pasig-BGC area, kaya ang cool lang. Parang trying hard hipster sa pop culture. Pero sa huli, jejemon rin pala hehe.
Ang nakakatuwa sa paglalakad sessions ko ay naitatawid ko ang 10,000 steps na magiging exercise quota ko for today. Mahilig ako magbasa, hindi ako mahilig mag-gym. Baka ibang Betos ang nasa isip mo na mahilig sa gym. Nasa Japan na yun sya, kahit paano raw ay okay naman siya dun. Alam rin niya at ng mga kapatid ko na naglalakad ako sa C5 bridge kapag papasok ng work. Wala naman silang alma, puru paalala lang ng "Ingat!" at minsanang "Dumaan ka kasi sa bangka dun sa Pineda!" Kaya lang, nang madulas ang bunso at naikwento sa mga magulang ko ang aking daily adventure, nasagot na lang nila na "Either mamatay ka sa pasahe ng grab, o mapatay ka't mabangga sa daan. Either suffer the fare or go to a country with an effective public transport." Ang burgis ng take, di ba? Dalawang elemento agad ng kaburgisan: ang maglagas ng sweldo sa grab car, o tumakas sa Labyrinth ng Bagtasan (at mag-abroad). Siguro, nakita nila ito kay Kuya na nasa Germany na, at kay Kiteh na nasa Japan na. Mga bansang may matinong bus at tren, at mahal ang bumili ng kotse kasi OA ang presyuhan para lang sa parking. Axis powers unite na rin siguro, kasi parehong pro-pedestrian ang mandato ng gobyerno nila. They move the public efficiently. Unlike sa Pinas, Presidente lang ang moving effectively. Helicopter-helicopter para lang sa Coldplay concert na nagtutulak ng environmental kineso.
Sobrang balintunay talaga minsan ng buhay. Gusto ko na ring takasan, punta ng Singapura siguro. Makaranas man lang ng mabilisang byahe at mag-TWG tea kasi gusto ko lang rin mag-inarte. Tamang burgisan blues lang naman, bago bumalik sa mala-purgatoryong paglalakad sa Labyrinth ng Bagtasan sa araw-araw (o hapon-hapon, kasi midshift ako).
So ikaw, kumusta?