2/21/2024

Nagising ako tapos...

"So is it like... Love because of proximity? Because it is convenient?" 

Dear Tope, 

Minsan, naiisip ko rin ito.

Lalo na nung iniwan kita kasi hindi ka naman sumasagot noon. Baka nga ang tingin ko sa pag-ibig natin, convenience. 

Pero nang iniwan kita, mas nakilala ko rin ang sarili ko. Hindi mo maibigay yung maliliit kong hiling, at tama lang na bigyan ng espasyo ang ating mga sarili para maghilom at maging buo, kahit papaano. Kahit sa sandali natin, matutunan nating tumanggap ng mga taong dadaan sa atin, makilala silang saglit, at maintindihan na hindi lahat ng uri ng pag-ibig ay nauuwi sa romansa. Isang malaking lesson yun na natutunan ko sa Singapura. Na minsan, sa pag-iisa, nakukuha ang sansaglit ng Singularity: lahat ng karanasan ng nakaraan, nararamdaman ng kasalukuyan, at baka-sakali ng kinabukasan. Akala ko kasi ang Singularity, sa kasal lang nararamdaman.

Ngayong ganito ulit tayo, magkasama, may mga araw na hindi mo maibigay ang maliliit kong hiling. Pero ngayon, mas kaya kong i-manage. Nakakatulong ang walang label, dok. Sobrang nakakatulong. Nakakapagbigay sya ng kahulugan na tayo ay malayang mamili: magpapatali ba tayo at magpapatalo sa lungkot? O maluwag na mas mapipili natin ang ating mga sarili sa paglaban sa araw-araw? 

Wala na ito sa kung hindi ka pa annuled, or doktor ka at accountant ako, or magkaiba ang address natin at schedule natin, o dahil saturated na ako sa trabaho at gustong mag-abroad. 

Hindi ko rin mapipilit kung napapako na ang pangako. Kung may panata ka sa akin at sa sarili mo, hindi naman yun sinasambit lang sa hangin, ginagawa yun. Minamano-mano. Binubuno. Habang ang mundo ay patuloy na umiikot. Ang gusto ko lang, kung tayo man sa dulo, ay maranasan natin pareho ang mapagpalayang pag-ibig.

Pero sa ngayon, kung kailangan kong maglayag bilang manlalakbay ng buhay, hayaan mo ako. Sa sansaglit na kalayaan hayaan mo muna akong makalayo. Nangako ka rin noon, na ikaw ang aking Minato (ang aking parola sa pagdaong). Handa kang maghintay sa aking magiging kwento. 

Hindi ko maipapangako ang magarbong pakikipagsapalaran, pero asahan mong sa pagdating ko, ako ay muling buo. Muling buo ang loob na magkukuwento at magmamahal nang taos-puso.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento