3/02/2024

Epistolary Exposition: Introduction

Dear M—,

Kumusta? 

Huling 1-on-1 moment natin ay yung kababalik ko lang sa Mumbai noong 2016, tumaba dahil sa stress at kaakibat na katotohanang lahat ng pambayad ko sa ibang bayan ay via credit card, kasi lahat ng 500 at 1,000 rupees na hawak ko ay naideklarang worthless ni Modi. Wala akong kapasidad i-withdraw ang sumunod nitong paper bill: ang 2,000 rupees. Pagod na pagod rin ako sa pagtuturo ng simpleng proseso pero mahirap na konsepto ng NAV Operations, at kahit kanino yatang hindi accountant ng bangko ay mahihirapan akong ipaliwanag ito. Ganun yata talaga, may mga bagay na mahirap ring ipaliwanag sa kakaunting saglit at bilang ng mga salita. Ganun yata talaga kapag tagapagtuos. Pitong taon na, M. Nasabi ko rin sa iyo na gusto ko nang tumanda sa pagsusulat at talikdan ang nabuong pagkatao sa natapos nating kurso. Nasabi ko sa iyo noon, na kapag manager na ako, saka ko ito ulit iisipin. 

Ito na yun. 

After a year of being a manager repackaged as an Associate, narito na naman ako at susubok na patayin ang unang pagkatao: ang pagiging CPA. Sakto, malapit na mag-expire ang lisensya at PRC ID ko, at hindi naman nag-practice ng audit sa loob ng sampung taon, at saktong nasa estado ako ng trabahong lahat ay kaya kong hamigin at panindigan. Yun lang, hindi na ako bingi at bulag kapag ako ay nababalya at inaasahan bilang dalawang tao in terms of work load. Baka ito na nga ang taon para gisingin muli ang kislap ng panulat. Ang ikalawang pagkatao na nagsusulat ng karanasan, at maisapubliko ang aking boses na may halong laya at kalkulado. Hiling ko ang mga sumusunod:

1. Maaari ba kitang gawing recipient nitong aking mga liham? Balak kong buuin at bunuin ang sampung liham sa loob ng lampas sampung taon ng pagba-boxing ng aking damdamin, ng aking hinaing, at mga silip ng ating pakikipag-usap sa sariling punto-de-bista? Tandaan, ang pangalan mo ma'y totoo, pero ang copyright ay sa akin nang buong-buo. 

2. Hahalungkatin ang aking alaala mula sa ating nawawalang notebook, at gumawa ng mga kwentong napapanahon, kahit nilipas na ito ng mga taon. All-encompassing but retrospective application. Pero ano pa bang alam natin sa accounting practices kung pareho na tayong hindi praktisado? 

3. Kung ang pagkatao mo ay biglang nanalamin sa ibang tao (sa anumang paraan ng pagkakabuo), nawa'y ibigay mo ang kalayaan sa aking kamay na maisulat ka bilang musa at bilang kontrabida. Kung mamarapatin, ibabaldado ko ang napakakisig mong alisto at tatapyas ng gilas sa iyong pagkatao. In short, your demeanor will be cut short. Who will be the main character? This is what I have to explore. This is why I ask for your concurrence in my long letter. 

Ito na siguro ang introduction ng aking epistolary exposition. So, ano na? 


written in Sarah's after RT's Book Talakayan, 02 March 2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento