Hui M—,
Alam mo ba, ha? Ang saya pala ng mga workshop! Parang may masterclass at may libreng pagbabalik sa Filipino lesson. Na-miss ko ito, legit! Wala naman kasing ganito noong college tayo. Puru worksheet at mga numero lang. Grabe kapoy ra gyud! At dahil mas nangibabaw ang #TitaHits, sa sobrang pagod ko buong weekend ay derecho ako sa tulog ahahaha. Alam kong bampira ang timeline ng buhay ko, pero bakla, kagigising ko lang at gusto kong isulat ang aftermath ng mga ganap, pero mas gusto kong i-mention itong hanash na'to.
So eto na nga. ALAM MO BA, HA!
Sa mismong palihan ko pa na-meet ko yung naka-swipe ko! Bigla na lang nag-light bulb nung Sabado kasi sabi ko sa sarili ko, "Wow, he looks family!" Alam mo yung pareho kaming nag-kagulatan na ok naman pala yung tao, pero takot akong sabihin ito nang harapan kasi mas writer sya, kaya mas mabuting gawing flash fiction ito under my pseudonym... Ayun lang, dahil nai-share ko sa karamihan ang aking pen name eh di may takot akong muli na hanapin niya ang ikalawang persona ko sa panulat tapos bigla kong naisip, hindi naman siguro lahat ng tao mala-stalker ang galawan? At alam nating lahat na sa bawat akda ay may kwento, at sa bawat persona ay hindi personal ang atake.
Perso single daw sya eh, mag-isa lang din yata sa bahay at sa buhay.
So ayun, naikwento ko na sa iyo at kina T— kasi ayoko na rin mang-jinx at bigyan ito ng malisya, (hello, 37 ka na teh!) pero andun talaga kasi ung kagustuhan na kapag magkita kami, at kapag may fellowship / inuman sessions, ilalabas ko ang unhinged behavior ko at aaminin na na-swipe right ko sya... na hanggang pag-follow back lang sa instagram ang naganap. Sinubukan kong makipag-ugnay sa kanya dati sa online dating app, pero alam mong hindi ito magwo-work kasi iba ang ariba ng isang nakakasalamuha mo offline, lalo na at una mong nakitang footprint online ay isang katha, o isang rehistro ng wikang kayo lang ang nakakaalam (aka memes).
Pero matanong lang, paano nga ba ulit hanapin ang dati mong naka-swipe right dito? HAHAHAHAH talagang hinanap ko pa ih, feeling ko rin naman deactivated na ‘yun sya. Sana lang hindi awkward kapag nagkabukingan na kasi mataas ang posibilidad na aware din sya sa aking ‘tsura at sa paraan ng aking panulat. KASI, BAKIT PUMASA YUNG GAWA KO, ABA?!
Itanong ko ba? HAHAHAHAH
Okay fine, most likely, sasabihin mo lang naman na maganda ang gawa ko as a writer ng Personal na Sanaysay — OO NA, HINDI NA GINAGAMITAN NG BIAS AT EMOSYON ANG ISANG KATHA SA PAG-QUALIFY — peeerrro, malay naman natin? Kanpidens naman ang baon ko rito eh, dahil alam nating pareho na walang pang nag-lathala ng isang babaeng boses ng middle class at may bigat at danas ng isang batang mulat sa Home Along da Riles (both in sitcom and in real life).
Hilig ko talaga sa slowburn, no? Kakabasa ko kasi ito ng The Solitude of Prime Numbers ni Paolo Giordano at One Day ni David Nicholls kasi ito eh. Pinanindigan ko na talaga na may mga eksenabells sa aklat na nagma-manifest sa tunay na buhay. Life Manual lang, hehe. Kaya heto, ang buhay ko ay Mga Pagsasanay Sa Pag-iisa: Mga Sanaysay ni Egay. Iba sa iyong buhay na hirap na hirap sa anak mong parating naisusugod sa clinic.
Pero at least, may micro-family ka na.
Ako rin naman, may micro-family. Kasama ko itong mga bagong usbong na mustard sprouts at ang mga basil na tuluy-tuloy lang sa pagtubo, kahit kinakain ko sya matapos ko itong iyakan (as a therapy session). Naku, nabanggit pa naman nun ni sir na yun kung paano ko raw naitatawid nang mag-isa ang pamumuhay sa concrete jungle where dreams are made of na ito. Syempre sinagot ko, may minsanang iyak. Feeling ko, hindi mawawala sa isang peak millennial ang ganun. We are the generation that experiences a collective feeling of resignation, na kahit mulat ang kamalayan sa “call to action” eh hindi natin magawa, kasi alam nating ang sistemang ito ay ginawa para sa paulit-ulit na batuhan ng comfort at reklamo. Sa sobrang mulat natin sa pag-ikot ng mundo, mas nanaisin na lang nating hintayin ang mga kaliwa’t-kanang sigwa at matutunang itawid ang bawat krisis na ito. Ganyan na ganyan rin ang naging kumento sa akin ng isang panelist sa workshop na sinalihan ko. Kailangan ko raw pumili ng pwesto. At kailangan, sa bawat katha ay sana hindi lang neutral ang tono.
Pero magagawa ba yun sa isang liham na tulad nito? Ang gusto ko lang naman ay magtala. At minsan, mas gusto ko na rin lang umiyak para kapag napagod kakaluha ay may mas masarap na tulog. In short, naitatawid ko ang araw-araw as minsang baliw, madalas workaholic. Pero hindi mawawala ang pagsasanay ng pagsusulat. Kasi ito lang din ang aking release. Siguro katulad nya? Mas malikhain lang ‘yung sa kanya kasi kaya niyang bumuo ng isang eksenang may maraming tao at may format ng isang script ng dula't pelikula. Tapos itong sa akin, pilit na binubuhay ang isang artistikong paglalahad ng saloobin na unti-unting pinapatay na ng social media.
So heto, sumusubok ulit sa liham na hindi mo na mababasa. Pwede itong ilagak sa kategoryang "Mga Minsanang Kapansanan ng Pagmamahal". Odiba, aken lang yan! Inaantok na ako atm at ito na yung challenge ko sa malikhaing pagsulat, lalo na sa mga personal na sanaysay: paano itatawid ang thesis ng pagtatala sa pagmamahal, at paaano idurugtong ang katotohanang ang bawat katha ay isang sining din ng pagmamahal? Ah, heto: masasabi nating ang tunay na tala ng kasaysayan ay nagsisimula sa huntahang puno ng tsaa at tsismisan. Minsan, hindi sa isang pagtitipon. Pwede ring palipad-hangin sa algoritmo, parang post sa facebook. O maaaring maging liriko tulad nung pambansang ritmo ng pagpapaka-sadgurl at sadboi - yung bagong Frustrated Poets kineso. At ang isang pakikipagtalastasan ay isang pagtatala ng mga kwento mula sa isang taong nagmamahal…
Pero antok na antok na ako.
Hays, heto na naman tayo sa episode ng isang internal na tunggalian: uunahin ko bang i-address ang gutom, o itutulog ko na lang ang lahat ng ito? Babalik na naman ako sa sirko ng comfort at reklamo, at ang panandaliang kabaliwan ng pag-o-overthink sa mga "what-if" kahit alam naman nating pareho, may bumibisitang doktor at magluluto ng adobo. Ngayon, nasaan na ang ulam ko? Hays, wala namang ibang magluluto ngayong umaga kundi ako...
O siya, dito na lang muna. Kapag may bagong workshop ulit, balikan ko ito tapos dagdagan ko pa ng mga tsaa. Tutal, hindi lang naman ikaw ang makakasipat nitong munting tsismisan. Baka pati mismong si Mr. Playright... na magiging Mr. Right?
PS: Gutom lang ito. Ignore. Naku ilalagay na naman ito sa #MinsanangKapansananNgPagmamahal. Makapagluto na nga!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento