My rating: 4 of 5 stars
Isa sa mga naging goal ko ngayong taon ay simulan ang pagtanim ng pagkakakilanlan sa mundo ng panulat. At maging intentional ang pagbabasa. Magkaroon ng clinical eye, kung baga. Matagal ko nang ginagawa itong mga sanaysay pero nakalagak lang sa aking website. Hopefully, lalong lumakas ang loob na itong ilimbag at ipakita sa madla.
Nang mabili ko ito sa nakaraang Philippine Book Festival at mapapirma ko ito kay Gerome, bigla syang nagtanong, "From 1 to 500, pumili ka ng paboritong number."
Sagot ko, "439". Isang prime number, isang alaala ng pag-iisa.
Nang mabuksan nya ang libro, sinabi nya sa akin:
Sana tulad noong bata, kahit gaano ka habulin ng problema, pwedeng taym pers muna.
Very apt, koya. Tila ba'y nagmamadali sa pinangako sa sarili (ngayong taon).
Dalawa ang atake ng pagbabasa nitong Suong: Mga Aporismo ng Paglusong at Pagsulong. Pwede mong basahin nang isang upuan, o pwede mo syang berso sa araw-araw buong taon (actually, lampas pa, 500 verses eh). Pinili ko ang una kasi ganito ang balak kong gawin since 2016 - ipunin ang lahat ng tweet ng galit at gawin itong maikling manual ng pagtitimpi. Or mga sipat ng kapararakang lokohan sa mga naging lalake kong hindi nila alam kung boyfriend ko ba sila. Pero muli't muli, naunahan na naman ako sa istilo ng pag-iipon ng tweets. Nagsimula si Egay nito nakaraang pandemic lockdowns sa kanyang Hindi Tayo Tinuturuan Kung Paano Hindi na Magmahal, tapos nakita ko itong Suong na naging finalist sa nakaraang National Book Awards ng NBDB.
Napadpad ako sa mga kwentong hugot, at mga sawing pakiramdam ng pag-ibig, patungo sa ligaya at lungkot ng pag-iisa, patungo sa manaka-nakang self-help ala Mark Manson. And for some reason, trigger na trigger ako sa mga minsanang sapak ng utos. Kung ako sa inyo, mas magaan kung gawin ninyong random ang pagbabasa nito, lalo na't kung punung-puno ang utak at ang EQ sa araw-araw na bugbog ng hanapbuhay; kung ayaw nyong makaranas ng samu't-saring damdamin na nakakabaliw sa isang bagsak ng magdamagan. Siguro, pwede itong basahin katulad ng pakikinig sa mahabang discography ng favorite mong Tay-tay (bilang Swiftie).
May munti lang akong hiling, lalo na sa 8letters na naglimbag nito:
1. Sana nai-recode ito as actual tweet. Kunyaring screenshot. Madali lang siguro mag-CSS lalo na kung ang mismong copyeditor at publisher ay mulat sa Myspace.
2. Sana ang pag-spine ay matibay-tibay. Yung kopya ko kasi medyo bumibigay yung gitna. Lalo na't ang hilig ko sa marginalia. Or siguro, ganito ako sumipat ng akda, barumbada. Medyo binubulatlat ko talaga bawat pahina para makasulat sa taas, o sa gitna o sa gilid. At may minsanang drama rin ng pag-upload sa IG Story tapos ita-tag ko ang may-akda.
Siguro nga'y binasa ko ito nang may pagmamadali, o maaaring may bahid ng paghahanap ng mali. Hindi ko rin buong masabi, kasi sa isang banda, kinaiinisan ko ang aking sarili na naungusan na naman akong muli — lalung-lalo na sa lakas ng loob kung paano ilalapat ang lahat sa panulat. Pero nailikom ng aklat na ito ang aking danas sa araw-araw na pagharap sa personal na buhay at sa sanlaksang Kamaynilaang kinagagalawan. In one of the discussions with Jessie, I asked him, "Ano na ba talaga ang ambag nating mga millenial?" Kasi kung tutuusin, hindi tayo mulat sa Call to Action, kasi unang-una pa lang, hindi tayo pinalaki sa Collective Action ng ating magulong 3rd world na bayan. Puno tayo ng isla, watak na watak mula sa rehistro ng wika, pulitika, at mga personal na danas at pakikibaka.
Tapos randomly, nakita ko itong tweet verse 371 ni Gerome:
Wala nang mas hihigit pa sa kababaihang nagagamit ang kanilang tinig para sa ikakabuti ng bayan.
Baka nga ang misyon ko bilang isang moderator na babae ng aming bookclub ay maging tagatala ng mga mabilisang saglit na karanasan sa aming social media, tagalathala ng mga sentimyento sa nababasang aklat, at pag-abot ng lahat ng iniisip at dinadama mula sa manlilikha patungo sa taong willing na magkonsumo nito. Kaya kayo-kayo, lapitan nyo si Gerome, subukan ang kanyang Suong, at pwedeng sa isang raw, pumili kayo ng random number from 1-500.
At sana, ang piliin nyo ay yung divisible by 2.
View all my reviews
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento