4/28/2024

Timestamp. Screenshot. Pagninilay. Pagtatahi.

Alam mo ba M—,

Grabe! Napakainit! Hindi naman ganito noong mga bata pa tayo. O baka, tinitiis lang natin ang init at hirap ng paglalakbay mula sa bahay papuntang school dahil wala naman tayong sapat na baon. Naalala ko pa noon na 100 lang ang baon ko sa bawat araw sa PUP, at ang klase natin ay naka-schedule mula 9AM hanggang 9PM, nang may pagitan na tatlong oras mula 12-3PM. Nakakaloko, kasi kahit Php5.50 lang mula Boni Ave to Stop and Shop, eh hirap pa rin akong pagkasyahin ito sa dalawang beses na kain sa buong maghapon, at sa pagbabayad ng mga pa-xerox natin ng mga assignment at papa-print ng feasibility study. 

Bigla kong lang naalala ang ganitong mga sandali ng buhay-estudyante nang ako'y mag-grab car mula rito sa aking maliit na condo papunta sa isang coffee shop na namumutiktik ng mga estudyanteng isang sakay lang mula sa Katipunan. Ang ganda ng lugar, grabe. Samu't-saring upuan, malamig at maaliwalas ang ambience, at naisip kong pwedeng mag-book talakayan. Mabigat kasi yung akdang naka-toka sa akin, kaya naisip ko na maging #teata at pumili ng espasyo na okay at pwedeng magwalwal ng kaisipan, kayang maghimay ng tema at pagnilayan ang ingay at gulo ng aklat na tungkol (raw) sa untold stories (kuno) ni Magsaysay (as the backdrop). Nang makita ko si J—, sinabi kong dito na kami magtatalakay — at wala na akong pake kung tingin ng mga batang miyembro ng book club ay isa na akong matandang babaeng may big anteh energy at MC (main character) complexity, ang madalas na staple ng Overheard in Manila memes. 

Nang makaupo si J—, nagdaldalan kami about sa pag-hi ko sa kanyang Tita at pagtanong ko kung pwede ko syang maging Ninang sa kasal, kahit wala pa akong fiance na ikakasal. Nabanggit rin ang kaunting sipat ng pamilya, at ang dinamiko ng mga pag-uusap ng mga magkakapatid. Sinabi niyang huwag ko raw syang daldalin, kasi plano niyang magsulat sa conducive coffee shop na yun. 

Anong ginawa ko, aba'y syempre, lalo kong dinaldal. HAHAHAHAH

Kaya ako nag-hi kasi may tatlo akong agenda: 1. Maging Ninang si Tita; 2. Magpasa ng manuscript ng mga sanaysay; at 3. Kapag ang dalawa ay palpak, mag-invest sa negosyo nya. (Siguro pang-apat ang gawin itong Publicly-listed Corporation at magkaroon ng ticker AVND sa Stock Exchange, pero sobrang suntok sa buwan na 'yun). Sigurado na ako M—. Paninindigan ko na ang pagbuklat ng lahat ng liham na hindi mo mababasa at ilalahad ang ilang mga personal na lihim sa madla. 

Nagsumbong ako tungkol sa paggawa ko ng sanaysay. Nagrereklamo? Siguro? I-english ko - I ruminate about the conversations of Call to Action. These panelists (who I believe are peak GenX) told me about the traditional forms of essay-writing. Essays are engines of persuasion. What they need is the spirit of the call to action. They were asking about my composition. Yes, the tone is very entertaining and very understandable. Yes, the world-building and the register of experiences are everpresent. But where is the soul, that echo of a call to action? Qiqil. 

Kailangan ba sa bawat sanaysay ay may ganitong panawagan? Peak millenial ako. I am better with breaking norms, katulad nating ang mga batang binabaklas ang mga nakagisnang kamalayan noon. Utilizing websites and social media to store the signs of times, like putting it in a time capsule and preserving a little piece of sub-culture. Anong call to action? Hindi naman ako college student noong EDSA Revolution. Ginawa ako noong EDSA nina Papa at Mama. Pero paano ko kung sasabihin kong hindi pala espiritu ng EDSA ang labing-labing moments nila, kundi isang episode ng sigawan at sisihan ng unwanted pregnancy, just because the medicine has been forgotten by the mommy and the event is being gaslighted by the daddy? Paanong magkakaroon ng pormal na panawagan, kung tayo ang epitome na tagatanggap ng mga trauma ng mga boomer nating mga magulang? Jusq M— hanggang ngayon ang mga magulang ko ay hindi marunong mag-sorry. Dahil hindi yata kinamulatan. Trabaho ko ba bilang superwoman ang manawagan, o magpataas ng antas ng kalinangan ng panitikan, or whatever have you? Unang-una badang, mga accountant tayo. Kung tutuusin, MS Excel ang ating main software sa propesyon at hindi MS Word. Bigyan ko kaya sila ng vlookup jan, eh.


= VLOOKUP,("Nasaan ang Call to Action?",1965-1980,1 panelist,TRUE)

= #NA


O diba, error. Pero sige for transparency:

= IFERROR(VLOOKUP,("Nasaan ang Call to Action?",1965-1980,1 panelist,TRUE),0)

= 0


O diba, nganga!

So yun nga, pwede bang kaysa maging shrill us sa power of persuasion ay chill lang mga bebegurl at bebeboi? Lalo na at ang binabaklas natin ay ang bulag na paniniwalang matatag ang istrukturang gumagana noong unang panahon. Hello, di ba nga naniniwala pa sila sa diwa ng EDSA noong Presidential campaign ni Leni Robredo? Pero anong nangyari? Nabasag ang pilosopiya nang manalo ang gaguhan ng pagboboto. Either may pulis na nang-iintimidate, o may 31Mn na hindi tao (kundi data) at nagpanalo sa tao. Narito tayo para ipakita at i-call out ang mga i-call out. And tbh, hindi ko kaya ang panghahamig at paghihikayat na manawagan ng rebolusyon. Dahil baka mawalan ako ng trabaho. Kapag walang trabaho, walang pambayad ng condo. 

Naisip ko sa lahat ng hanash ko kay J—, ang trabaho ko bilang moderator (ng bookclub) at bilang budding writer (wow, sarap pakinggan!) ay magpamulat sa mambabasa sa pamamagitan ng paglalahad. Maipakita ko kung gaano kabaho ang isang bulok na sistema. Again, as a peak millenial, what we have are collective traumas, frustrations, and a tendency of resignation. At ang tanging paraan para maipamana natin sa batang mambabasa ang kritikal na pag-iisip ay ang paano tatahiin ang lahat ng timestamp at screenshot. We are really nearing the breaking point: GenX are slowly becoming boomers, Millenials are now the leaders, and GenZ are the emerging voices who call for immediate action, in a federated and sub-cultural way. All this while boomers stay boomers and out of touch from the lores of the post-pandemic, and Alpha Gen is facing the education crisis and polarizing realities.

Naniniwala ako sa GenZ na kaya nilang pagtahi-tahiin ang lahat ng rehistro ng wika at ng mga kamalayang sub-cultural at meme-ish dahil mabilis rin ang daloy ng impormasyong gawa ng social media. Sa instagram pa lang, mas ma-post sila sa stories na 24 hours compared sa ating mga millenial jejes na ang hihilig mag-post! Bawat ganap, may post, may caption. Hindi sa binabatikos ko ang posterity measures natin; nasasabi ko lang na magaling talaga tayo magtala ng mga kaganapan ng mundo. At lagi ko ngang sinasalmo recently na "Ang kasaysayan ngayon ay umuusbong sa huntahan ng mga tsaa at tsismisan." Magaling ang millenial sa huntahan at tsaa at paano ito ire-record, at naniniwala akong mas magaling ang GenZ at iba pang batang mambabasa na sipatin ang lahat ng record at maging mapanuri, at mapagtahi ito sa isang kasaysayan ng pagbabago. 

 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento