4/06/2024

#PasaherongBuhay

#pasahero: mga nakikisakay na sanaysay#pasahero: mga nakikisakay na sanaysay by Joselito D. Delos Reyes
My rating: 4 of 5 stars

Simula nang mapagdesisyunan kong pag-aralan ang iba't-ibang istilo ng pagsusulat ng malikhaing sanaysay at creative nonfiction, nakita ko rin ang mga akda ni sir Jowie sa Abante online at sa mga mahahaba niyang hanash sa facebook. Bigla kong naalala, sumusulat rin siya ng sanaysay maliban sa mga maiikling kwentong nai-print ng Visprint noon.

Sakto, nang bumisita ako kay Mama para kumuha ng dagdag babasahin sa maliit kong bahay, nakita ko ang librong ito mula sa mga naitagong hiram na aklat sa aking family home. Hindi ko alam kung binigay ito kay Bebang, kasi may pirma pa ng author. Siguro. Kung bigay man, sana all.

Makapal ang koleksyon ng mga sanaysay. Noong una, akala ko tungkol lamang sa mga kwentong pagsakay at paglalakbay, pero napadpad na rin sa kwentong pamilya at pamumuhay sa probinsya, sa kanyang maybahay at kwentong turismo (lalo na sa mga gustong mamasyal sa kanyang bayan, o karatig-bayan). Meron ding tungkol sa social media, kwentong socio-politikal, at kwentong kultura.

Hindi ko mawari kung bakit, pero mas tumatagos sa puso ang kwento ng mga random na mga taong nakakasalamuha niya sa daan, at sa kanyang pagbabiyahe. Mabilis lang dumaan ang kwentong Duterte, o ang kwentong SONA, siguro dahil ayoko na ring balikan ang mga ganoong klaseng kahunghangan ng mga pulitiko at kurap na nilalang.
Mas nanaisin kong kausapin ang manggagawa ng sapatos at bag na may tindahan sa Espanya, o yung mga mag-inang nag-aaway sa bus habang pauwi si sir Jowie ng Lucena.

Kanina, first time kong sumakay muli ng jeep nang isang mahabang biyaheng Pasig-Quiapo. Pagkatapos ng halos labinlimang taon, sinuong muli ang pagkomyut gamit ang OG jeep (No to phaseout!) at napansin ko na sobrang malala na ang trapik dahil mas dumami ang kotse. Mas mausok, mas maingay, mas matrapik. Payo ko sa mga pasahero ng jeep, ugaliing mag-mask. Hindi na biro ang buga ng mga tambutso. Sinubukan kong magnilay, at maghanap ng kwento sa mahabang biyahe at matagalang pag-upo. Sa kasamaang palad, wala akong maisip at mainilay. Partly, because of antok and partly because of anxiety. Nakakakaba na baka bigla akong madukutan sa Kalentong, sa VMapa, sa Altura, at sa Bustillos. Sa dami ng mga kotse na nakakadagdag sa paghaba ng tindi ng trapik, baka hindi mo mamalayan na wala na sa iyo ang pitaka. Dito ko rin napagtanto kung paano unti-unting nawala ang aking tapang sa pagsuong sa ganitong paglalakbay dahil nasanay na ako sa Grab car, o dahil sa lapit ng bahay sa opisina (na kayang itawid gamit ang C5 bridge). Ganun na rin ba ako sa ibang sangay ng aking buhay, nawawala na ang kisig at sigasig sa pagsikhay?

Lahat tayo ay pasahero ng buhay. Sana, maisip ng bawat pasahero na maging makatarungan at maging makatao, at hindi dumaragdag sa araw-araw na perwisyo. Sana, maging mabait tayo sa kapwa at sa bawat salubong at pagkikita ay may mapupulot na magagandang kwento at aral na pwedeng itanim sa puso.

View all my reviews

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento