5/12/2024

May Tula Tapos May Iyak

Kung Maaaring LumutangKung Maaaring Lumutang by Christian Jozel Ason
My rating: 4 of 5 stars

Written last 12 May 2024, main reason why this book got on-boarded on Goodreads website
TW: Too Much Crying.

"Bakit walang ISBN? Sayang Goodreads reading challenge score!" Ang nasa isip ko nang makita ang aklat na ito ni Ason. Nakikilala ang aklat at ang akda sa mga barcode at numero. Nakikilala ang sukat at ang metro, ang kapal at nipis nito, at mas mabilis matukoy ang pagkakahulma nito.

Operative word: Kilala

Kaya siguro, sinadya muna ni Ason na ilimbag ito agad. Baka kasi, gusto nya maranasan ang hirap at saya ng paglikha, at pagiging pisikal ng mga katha. Masasabing reading retreat ko ito dahil walang sukatan ang mga sulat. Walang stars na igagawad. Walang judgment kung saan nahuhugot ang mga salita.

Hindi ako magaling tumingin ng tula, o magsabi kung maganda ba ito o hindi. Pero kaya kong sipatin sa pamamagitan ng pansariling danas. At hindi ko inaasahan na ang pagbabasa ng mga tula ay tulad rin ng karanasan ng paglalakbay patungo sa mga alaalang pilit iniiwan ngunit bumabalik, at mga sansaglit ng pagbabalik pero parating nawawaglit.

Halos dalawang taon na nang magsimula akong tuluyang bumukod at matutong mamuhay ng pag-iisa, at hindi ko maikakailang may mga nakikilala akong life-skill, o mga maiingay na pagninilay. Madalas kausap ang sarili sa maliit kong bahay, kaya minsan, may mga binabasa akong pilit kong inuusal, binubuka ang bibig. Pero sa ibang mga tula ni Ason, hindi bibig ang kumikilos, kundi mata. At madalas, lumuluha nang hindi sadya.

Kalbaryo ba talaga ang minsanang pagbabasa ng tula? Kaya ba hindi ako nagbabasa madalas ng tula dahil ba sa mga di inaasahang naaalala? Retreat bang matuturing ang pagbabasa tapos luluha?

Ni minsan, hindi ako umoo sa anumang anyaya ng dilim at ang gawad ng pagkalutang nito. Siguro nakakatulong ang dami ng ilaw sa paligid at sa katotohanang kahit paano, may tapang ako sa bawat haharapin. Pero minsan talaga, may mga alon na sobrang bigat, at wala kang magawa kundi tumunganga. At sa kaso ko, madalas, iniiyak. Kasi sa pag-iisa ko lamang natutuklasang yakapin ang mga damdaming hindi madalas nakikita ng madla.

Nahuli ni Ason lalung-lalo na sa ibang mga katha ang therapy na pilit kong idine-deny sa sarili. Baka ito nga ang retreat na sinasabi: magnilay at umiyak, damhin ang bawat saglit, bago muling suotin ang pragmatikong pagtingin ng bawat rason ng pagbangon.

View all my reviews

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento