M—,
Pagbigyan mo muna ako magreklamo.
Wag mo munang husgahan ang kahit na ano.
Sa totoo lang, gusto ko lang magkalat ng mga saloobin ko kasi ilang araw na akong hindi nakakapagsulat ng mga akdang ipapasa. Lalo na't kinumusta ako ni mama kanina:
"Kumusta ka?"
"Ito, okay lang. Naiirita sa init at ingay."
"Eh ang pagsusulat mo, kumusta?"
"Wala pa rin, ang hirap magworkshop ng mga unang nilikha eh."
Andami ko nang written prompt sa totoo lang. Dagli man o maikling kwento. O mga gawa-gawang guni-guni mula sa espiritu ng illuminati. Pero yung isang nasimulan ko, nilagyan ko lang ng ending... yung gitna, bali. Naka-parenthesis pa rin. Kasi kahit anong ingay ang mga nasa isip, hindi ko naman mailapat at maitawid, hindi rin maidugtong sa simula patungo sa huli.
Kanina, pumunta ako sa family home. Ang init, ang ingay. Paano, sinosolo raw ni papa ang aircon. At ang buga — lumalabas sa loob ng bahay. Umaabot hanggang sala. Siguro si papa ang epitome ng kawalang-pakialam. Basta sya matiwasay, kahit lumpo na ang iba pang mga tao na nasa bahay, g pa rin. Tapos nang bumaba para kumain, tiningnan yung magic sing ni mama. Kaysa purihin ang mismong asawa, sumigaw pa ng, "Hindi ba napapalitan ng background yang kinakanta mo? Paulit-ulit yung view na nakikita ko!" Yung sa irita ko hindi ko na ring mapigilang sumagot, "Minsan ka na nga lang magsalita, kahunghangan pa... po."
Ngayon ko lang mas naa-appreciate ang maliit kong kweba at mga pagsasanay sa pag-iisa. Dati, napipilitan pa akong gumastos para lumayas. Solo-backpacking, kuno. Pero ang totoo, gustung-gustong magpakalayo. Mula sa masalimuot na mini-Pinas ng ingay at away at init at irita at gulo sa loob ng bahay. Ngayong nakabalik na akong muli sa maliit kong kweba at rinig ko ang white noise ng gaming laptop habang ramdam ang ginhawa ng pinamanang aircon ni kuya, mas nagiging proud ako sa sarili ko. Kahit medyo baldado ang sweldo sa pagbayad ng condo, hindi na ito basta pagtakas, kungdi isang pagpili: isang buhay ng payapa at pag-iisa nang may minsang lungkot at gunita ng mapapait na alaala.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento