Tabaco: Tatlong Sanaysay
by Niles Breis
Reading Retreat, Wala sa Goodreads
"Yung boses mo sa panulat, ikaw na ikaw. Buo ang boses mo. Ang tanong ngayon, ano ang iyong magiging kwento?"
Dalawang beses ko pa lamang nakita si sir Niles at ito ay dahil lamang sa pagbabalik-loob ko sa Pinoy Reads Pinoy Books book club ngayong taon. Ang mga ganitong minsanan ay nagagawi sa inuman at kultura, kasama ng mga kinagisnan at karanasan sa pagiging mambabasa at manunulat. Nang first time kong narinig ang pangalan niya sa mga kapwa miyembro, hindi ko pa nakikita yung kanyang mga akda. Binigyan ako ng sample / excerpt ng Rubrica, isang collection ng mga tula na hindi ko maintindihan, siguro dahil hindi ako batikan sa paglikha nito.
Sa ikalawang salubong ko sa kanyang gawa, nakita ko itong Tabaco na tangan-tangan ni Jayson na naglalaman ng mga sanaysay, at sa hindi ko mawaring dahilan, medyo nainggit ako dahil sa kakaibang mga paksang naglalaman nito. Ganito rin ang inggit na nararamdaman ko sa tuwing nakakabasa ako ng mga kalipunan ng sanaysay sa mga nagdaang Palanca awardees. Natatanong ko rin kung may karapatan pa ba akong magkwento? Kasi unang-una, hindi naman exotic ang mga naranasan ko. Walang urban legend sa barangay ko, walang matandang buruka o kumander nognog, hindi rin naman ako pumasok sa isang seminaryo, at sobrang sheltered ako sa aking public elementary and high school.
Exotic bang maituturing ang isang baklang baliw sa Talipapa ng Pembo na pinangalanan kong Alejandro (sa aking isip) dahil minsang sinigawan akong, "Ako ang dakilang Lady Gaga!"? Hindi ko nga mailaban yun sa kwentong Tawi-tawi ni Atom Araullo eh, lalo na sa mga kwentong Some People Need Killing ni Pat Evangelista. Anu't-anuman, parang nagiging tila ordinaryo na ang araw-araw kong danas. At kahit hindi naman talaga maipupulis ang sariling danas, ay nahihirapan akong itagpi at itahi ito bilang isang kwentong magkakaroon ng panawagan sa pagbabago.
Pero kailangan bang laging may panawagan sa isang sanaysay? Hindi ba pwedeng isang pagbabalik-tanaw ito sa isang nakaraan at magtala ng kasaysayan? Ganito kasi ang vibes ni sir Niles sa kanyang mga sanaysay. Hindi naman talaga kailangan parating may panawagan. Ang mahalaga, naihulma ng iyong tinig ang hugis, at amoy, at ang pakiramdam ng mundong kinagalawan mo noon. Isang pagtatala ng nakaraan na hindi mawawala sa iyo, lalo na't alam nating mapaglaro rin ang ating mga alaala.
Nagulat ako sa librong naging tangan-tangan ko na biglang naluma kakabulatlat at kakahanap ng mga danas na exotic o kakaiba, pero kung tutuusin, hindi masyado kaiba ang kanyang mga kwento. Nagkataon lang ang lahat ng danas nya ay tungkol sa bayan ng Tabaco, pero hindi lang sya ang kilala kong pumasok ng seminaryo (at lumabas), o nakakilala ng mataray na matandang laging nag-iisa. Ang nakakaaliw at nakakaganda ng mga kwento ay kung paano niya ito isulat, at ano ang naging konteksto noong unang panahon. Naging tangible para sa akin yung rehistro nya ng bicolano at tagalog bilang promdi, kakarampot na pag-iingles (na maaaring naisulat bago sumikat ang blogging at facebook), at ang machong boses (na minsan kinaiiritahan ko as a #teata, char).
Siguro ito yung gusto nya makita rin sa magiging akda ko, kung paano ilalapat ang isang kwentong nakaka-relate ang kahit sino, pero may boses at rehistrong akong-ako, at walang makakagaya nito. Siguro, next time na yung panawagan sa pagpapataas ng antas ng panitikan, kasi hindi naman ako batikang kwentista. Nagsisimula pa nga lang ako, bibigyan agad ng pressure? Eh di malamang, tatalikuran ko iyan at babalik sa pagbabasa.
Pero hindi, gusto ko ring maging kwentista tulad nila.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento