9/15/2024

Dream Journal on a Slow Sunday

Nanaginip ako.

Kasama ko yung kalandian ko, pumunta kami sa PUP Sta Mesa para manghingi ng tulong sa President Prudente sa hindi mai-explain na dahilan. Hindi ko alam kung may kaso ba ako, o feel ko lang mag-walk down the memory lane. 

Dala niya ang convertible, dumaan kami ng Pandacan Oil plant at OsmeƱa Highway at nagtaka siya bakit dun ako nakatapos ng college. Nang sinabi kong idaan sa pusod ng Sta. Mesa, mas nakita nya ang bangis ng kaligiran ng Altura at Teresa, nang biglang may tren na dumaan at nabangga ang Vios. Nang kami na ang tatawid sa riles via pinalawak na Teresa street, nakita ko mula sa kanang side mirror ang kotseng nabundol. Pipi, parang silver car na nilapirot at nangitim.Pagdating namin sa gilid, sinabihan kami ng isang volunteer na magtestify sa barangay hall dahil isa kami sa saksi. Kinabig ko si ate na pupunta muna ako sa Presidente at siya'y tumango sabay sagot ng, "Sakto, 69. Yan din ang bayad mo sa parking dito sa gedli, ako na mismo magbabantay."

Takang-taka ang kadate ko nang magulat siyang kilala ako. Retouch ng red Mac matte finish, konting reapply ng Joe Malone, pumasok ako sa gate nang pinatigil ang kasama ko. "Hindi ka namin kilala. Alumni ka ba rito?" Nagalit yung kasama ko kung bakit hindi in-allow pumasok at hinanapan pa ng written explanation dahil wala naman siyang ID, at nagsimulang umapila dahil pumasok lang ako nang walang pasubali habang titig na titig sa aking bibig. "Babalik po ako, samahan ko lang po sya nang mabilis." 

Dumaan kaming catwalk. Nagtaka siya at ang konti ng mga tao. "Wala bang pasok?" Ang naisagot ko na lang, "kakaulan lang siguro at katatapos lang ng baha. Or maaaring online class sila today." Pagdating sa South Wing, nagkaroon na ng sariling pwesto sa Sampaguita Canteen ang tagagawa ng Chicken Ala-King rice meal at FEWA, at may videoke na rin sa  loob. Nasabi ng date ko na dun siya maghihintay at hahanap ng kausap, at maghahanap sya ng sasagot sa tanong na bakit hinahanapan ng written explanation ang hindi naman alumni. "Hindi ba dapat ang edukasyon ay bukas sa lahat!? At bakit parang kilalang-kilala ka rito? Sabi mo sa BGC ka manager. Grumadweyt ka lang at nagka-CPA eh ang asta ng paligid ay parang may-ari ka ng school eh."

Iniwanan ko siya sa canteen, tinanong ang isang lalakeng patapos nang kumain kung saan na ba ang office ng President Prudente. Sumagot ng "mam baka andun pa rin sa Cashier Office, parang nagmamadaling galit." Tinanggal ko ang mic sa videoke at sinabi kong, "siguro kapag tinupi ang cord, gaganda ang tono at echo" saka ito ibinigay sa kanya.

Naglakad akong muli at naamoy kong muli ang pinaghalong sangsang ng Ilog Pasig at nasusunog na petrolyo mula sa Pandacan. Bumati sa mga guard, sa mga ateng nagwawalis sa kabilang dulo ng West wing, bago ako napadpad sa Cashier's Office. Pagkakatok ko, dahan-dahan akong pumasok, at namataan ko ang presidenteng suminghal, mukhang katatapos lang ngumawngaw. Lumingon at nakita ko, sabay sabing "Hello."

Tapos nagising na ako. 

9/11/2024

Nakakapagod na Kapangyarihan

Ang Kapangyarihang Higit sa Ating LahatAng Kapangyarihang Higit sa Ating Lahat by Ronaldo S. Vivo Jr.
My rating: 4 of 5 stars

Ang hirap.

Parang nanganay ako sa pagbabasa ng aklat na ito. Ganito ba talaga ang transgressive fiction? Masyadong nakakulong, at ang hirap i-ire at kumawala sa mundong ginagalawan nina Dodong, Buldan, Butsok, Marife, Myla, Atong, Jepoy at ng mga tsismosang kapitbahay na takot na takot makanti ng pulis.

Nakakatuwa lang na nadadama ko yung mapangahas na panulat ni Ronaldo Vivo at yung rigor nya sa paglikha. Na itong mismong Dreamland ay gustung-gusto na niyang isulat at ipakilala sa mundo. Nadama ko yung kawalang-tulog para mai-type at maiipon ang materyal, ang kawalang-pake sa paulit-ulit na mekanismo ng eksena ng panghahalay sa kapwa babae at lalake, ang pag-rehash ng pamamaraan ng pagpaslang at pagsisilid ng item, at kung paano niya naitagpi ang lahat at inilagay sa isang lalagyan. Nabigatan lang ako siguro dahil nasanay ako sa sensibilidad at relatability ng Bangin, at tila ayoko na rin balikan ang naging mga kwento ni Mama noong bata pa ako sa looban ng Pasay at mga gedli ng Pineda. Mahirap maging mahirap.

Nakakamangha at nakakatawa na may mga buong boses ang manunulat sa ibang mga eksena nito. Kapag narinig mo si Boss Vivo sa isang panayam, o kahit sa mga status nya sa facebook, malalaman mong sa kanya ang tinig. Ito ang halimbawa:
Ang hirap sa mga nasa posisyon, akala nila lahat ng tao ay kaya nilang ululin. Putsa, kahit mga tubong looban na hindi nasayaran ng edukasyon ang kukote, marunong ding mag-isip. Nagkataon lang na sila ang inarmasan ng gobyerno kaya ang lalakas ng loob ng mga putang ina, mga lasing sa kapangyarihan. Bawal magsabing kung anumang nasa isip, lalo kung 'di maganda sa pandinig nila, dahil wala naman ni ga-kulangot na tutong na magandang msasabi tungkol sa kanila. Kaya ang mangyayari, mananahimik na lang kaysa tinggaan sa ulo.

Mas lalo akong natakot sa ginagalawan kong realidad dahil magsa-sampung taong gulang na ang libro, pero hindi pa rin nagbabago ang kahayupan ng kapulisan, at ang paningin sa mga maralita na parang basura lamang. Na tunay ngang ang mga nasa laylayan ang nagpapatayan habang ang mga nasa kapangyarihan ang nagpapakasasa ng kaban ng bayan.

View all my reviews

9/08/2024

Givvup. Chirrup.

 Dear M—, 

Nagtitipid ako ng kuryente, kaya nagpapahangin ako sa balkonahe. Konting moment kasama ang natatanaw na magaang trapik ng C5. Just vibing, nakatingin sa galaw ng mga sasakyan. Pero boring din, kaya nag-ML ako. Isang round ng rambol. Habang naglalaro, hindi ko mapigilang lumuha. Kapag tinanong ako sa work anong ginawa ko sa weekend: 

Umiyak.

Gusto ko lang iluha ang lungkot this weekend. Iluha sa taong hindi mamumuna kung bakit ako ganito, o magpapayo, o maghahanap ng solusyon para maibsan ito. Ilabas ang hapis sa taong hindi ka ija-judge. Hormonal siguro, o maaaring matagal nang naikubling damdamin sa paglaban sa araw-araw. 

Nai-imagine ko na may tatabing tao rito sa akin, o magsatao man lang itong basil, ipakita niya ang marikit niyang anyo, tapos pupunasan lang ang pisngi ko. Sabay sa ingay nitong C5, dudungaw din sya at makiki-vibe. 

Tapos tatanungin nya ako ng "Why you sad, why?"

Sasagutin ko, "Marami. Ito yung mga moment na naiisip kong napag-iiwanan na ako ng mga kaibigan ko. Leftover na sa circle of friends ko."

At sasagot sya nang may pag-along ngiti, "Give up."

Bigla akong makakarinig ng mga maliliit na huni mula sa mga snake plant at sasabat ng, "Give up eks! NO NO NO NO. Chirrup."

Cheep up pala.