9/11/2024

Nakakapagod na Kapangyarihan

Ang Kapangyarihang Higit sa Ating LahatAng Kapangyarihang Higit sa Ating Lahat by Ronaldo S. Vivo Jr.
My rating: 4 of 5 stars

Ang hirap.

Parang nanganay ako sa pagbabasa ng aklat na ito. Ganito ba talaga ang transgressive fiction? Masyadong nakakulong, at ang hirap i-ire at kumawala sa mundong ginagalawan nina Dodong, Buldan, Butsok, Marife, Myla, Atong, Jepoy at ng mga tsismosang kapitbahay na takot na takot makanti ng pulis.

Nakakatuwa lang na nadadama ko yung mapangahas na panulat ni Ronaldo Vivo at yung rigor nya sa paglikha. Na itong mismong Dreamland ay gustung-gusto na niyang isulat at ipakilala sa mundo. Nadama ko yung kawalang-tulog para mai-type at maiipon ang materyal, ang kawalang-pake sa paulit-ulit na mekanismo ng eksena ng panghahalay sa kapwa babae at lalake, ang pag-rehash ng pamamaraan ng pagpaslang at pagsisilid ng item, at kung paano niya naitagpi ang lahat at inilagay sa isang lalagyan. Nabigatan lang ako siguro dahil nasanay ako sa sensibilidad at relatability ng Bangin, at tila ayoko na rin balikan ang naging mga kwento ni Mama noong bata pa ako sa looban ng Pasay at mga gedli ng Pineda. Mahirap maging mahirap.

Nakakamangha at nakakatawa na may mga buong boses ang manunulat sa ibang mga eksena nito. Kapag narinig mo si Boss Vivo sa isang panayam, o kahit sa mga status nya sa facebook, malalaman mong sa kanya ang tinig. Ito ang halimbawa:
Ang hirap sa mga nasa posisyon, akala nila lahat ng tao ay kaya nilang ululin. Putsa, kahit mga tubong looban na hindi nasayaran ng edukasyon ang kukote, marunong ding mag-isip. Nagkataon lang na sila ang inarmasan ng gobyerno kaya ang lalakas ng loob ng mga putang ina, mga lasing sa kapangyarihan. Bawal magsabing kung anumang nasa isip, lalo kung 'di maganda sa pandinig nila, dahil wala naman ni ga-kulangot na tutong na magandang msasabi tungkol sa kanila. Kaya ang mangyayari, mananahimik na lang kaysa tinggaan sa ulo.

Mas lalo akong natakot sa ginagalawan kong realidad dahil magsa-sampung taong gulang na ang libro, pero hindi pa rin nagbabago ang kahayupan ng kapulisan, at ang paningin sa mga maralita na parang basura lamang. Na tunay ngang ang mga nasa laylayan ang nagpapatayan habang ang mga nasa kapangyarihan ang nagpapakasasa ng kaban ng bayan.

View all my reviews

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento